Utol ni Arnel Pineda, huli sa drug bust
MANILA, Philippines — Inaresto ng mga pulis ang nakababatang kapatid ng rockstar na si Arnel Pineda matapos mahulihan ng shabu sa isang buy -bust operation sa Quezon City,kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director Brig. Gen. Ronnie Montejo ang mga naarestong suspek na sina Rusmon Pineda, at brgy. tanod na si Rojimar Frilles Romero, ng Brgy. Sacred Heart, na siyang nagmamaneho ng motorsiklong ginamit ng mga ito sa operasyon.
Batay sa ulat ng QCPD-Kamuning Police Station 10 (PS-10), dakong alas-11:00 ng gabi nang madakip ang mga suspek sa operasyong ikinasa sa kanto ng Scout Santiago at A. Roces Avenue sa Brgy. Obrero.
Narekober mula sa kanila ang apat na sachet ng shabu na tinatayang tumitimbang ng may 30 gramo at nagkakahalaga ng P136,000.
Ayon kay P/Capt. Nazarino Emia ng PS-10, nag-ugat ang pagkakaaresto kay Pineda matapos unang madakip ang isang drug suspect sa isang operasyon, at itinuro nito si Pineda bilang siyang source o pinagkukunan nito ng ilegal na droga.
May tatlong linggo muna umano nilang minanmanan si Pineda bago ikinasa ang operasyon.
Tumanggi namang magkomento si Pineda habang sinabi ng tanod na si Pineda talaga ang nagbebenta ng droga at nakisakay lang ito sa kaniyang motorsiklo.
Kasalukuyan nang nakapiit ang mga suspect at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa piskalya.
- Latest