MANILA, Philippines — Upang mas maging epektibo ang implementasyon ng peace and order, magtatalaga ng dalawang pulis sa bawat barangay ang Philippine National Police (PNP) sa lahat ng police assistance desk.
Ayon kay PNP Chief Gen. Camilo Cascolan makakatulong ng mga barangay tanod ang mga pulis sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa komunidad.
Maaari ring maiwasan na maimpluwensiyahan ng New People’s Army (NPA) ang barangay dahil sa presensiya ng pulis.
Ang plano ay pagpapalawig ng umiiral ng “Pulis sa Barangay” program ng pambansang pulisya na sinimulan noong administrasyong Aquino, ngunit hindi naman nailatag nang husto dahil sa kakulangan ng pulis para sa higit 42,000 barangay sa bansa.
Dagdag ni Cascolan, tiwala siyang mapapakinabangan na ang programa lalo pa’t malaki ang suporta ng pamahalaan sa pulis.
Sa pamamagitan nito, tataas din ang moral ng PNP.