Beep cards sa bus suspendido - DOTr
MANILA, Philippines — Sinuspinde ng Department of Transportation (DOTr) ang ipinatutupad nilang mandatory use o paggamit ng beep cards sa EDSA Busway simula ngayong Lunes, Oktubre 5.
Ang desisyon ay isinagawa ng DOTr kasunod nang pagmamatigas at patuloy na pagtanggi ng AF Payments Inc., ang service provider ng automatic fare collection system (AFCS) sa EDSA Busway, na i-waive na lamang ang halaga ng kanilang beep card, sa kabila nang panawagan ng pamahalaan.
Sa isang pahayag kahapon, sinabi ng DOTr at ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ikinalulungkot nila ang desisyon ng AF Payments na tumangging i-waive ang halaga ng beep cards kaya’t nagdesisyon na silang suspendihin muna ang mandatory na paggamit nito.
“Thus, starting Monday, 05 October 2020, we are suspending the mandatory use of beep cards at the EDSA Busway until the issue is resolved,” anang DOTr.
Ayon sa DOTr, ang pag-waive ng halaga ng beep cards ay malaking tulong sana sa mga commuters, na karamihan ay mga daily wage earners lamang at hanggang ngayon ay hindi pa nakakabangon sa epekto ng COVID-19 pandemic sa kanilang kabuhayan.
Gayunman, dahil tumanggi ang AF Payments na alisin ang sinisingil nilang fee para sa card, at habang nakabinbin pa naman ang resolusyon sa isyu, nagpasya na muna ang DOTr at LTFRB na suspendihin ang mandatory use ng beep cards sa EDSA Busway at magpatupad na lamang muna ng dual payment system.
Nangangahulugan ito na maaari pa ring gamitin ng mga commuters ang nabili na nilang beep cards ngunit papayagan na ang mga pasahero na wala pang card na magbayad ng cash.
Kaugnay nito, sinabi ng DOTr na inihayag na ng EDSA Bus Consortia na maghahanap sila ng bagong AFCS provider na makapagbibigay ng magandang solusyon sa problema.
Isang pulong na ang itinakda nila sa iba pang AFCS providers bukas, Oktubre 6.
Nabatid na ang beep cards sa mga bus stations ay nagkakahalaga ng P180, kung saan ang P80 nito ay para sa halaga ng card at ang P100 ay para naman sa load.
Bukod pa rito ang P5 na convenience fee na ipinapasa ng third-party service providers para sa pag-reload, habang mayroon ding P65 na maintaining balance policy.
- Latest