Paggamit ng beep cards ipatitigil ng DOTr
Kapag ‘di inilibre sa commuters
MANILA, Philippines — Sususpendihin umano ng Department of Transportation (DOTr) ang paggamit ng automatic fare collection system sa EDSA Busway kung hindi ililibre ang P80 na bayad sa beep card sa mga commuters.
Ang pahayag ay ginawa ng DOTr kasunod nang muling panawagan nito sa AF Payments Inc. (AFPI) kahapon na alisin na ang service fee at iba pang charges na ipinapataw nito sa kanilang card at libre na lamang itong ipagamit sa mga commuters.
Ayon sa DOTr, ang bayad sa beep cards ay karagdagang pasanin sa mga pasahero, at maaari na sanang magamit ng mga ito sa pagbili ng iba pa nilang pangangailangan.
Ipinaliwanag pa ng DOTr na ang mga taong maghihirap sa pagbabayad sa beep cards ay mga ordinaryong commuters lamang na hanggang ngayon ay hindi pa nakakabangon mula sa epekto ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) crisis sa bansa at sa mahigpit na community quarantines na ipinatutupad na pamahalaan, kaya’t hindi na anila dapat pang madagdagan ang pagpapahirap sa mga ito.
“We are asking AFPI to remove the service fee and other charges that total a significant amount for the cost of the card, the payment of which has been an additional burden for passengers. These are, the ordinary commuters who are still reeling from the impact of the COVID-19 and the strictly enforced community quarantines in their livelihood. Thus, they should be spared from this additional burden,” anang DOTr, sa isang pahayag.
Inihayag din ang ahensiya na kung tatanggi ang AFPI sa kanilang kahilingan ay suspindihin na lamang nila ang automatic fare collection system sa EDSA Busway upang mabawasan ang pasanin ng mga commuters.
Hinikayat din naman ang DOTr ang AFPI na tingnan na lamang ang halaga ng kanilang card bilang bahagi ng kanilang corporate social responsibility upang makatulong sa kanilang mga kliyente na malampasan ang resulta ng pandemic.
Una nang sinabi ng AFPI na wala na silang kikitain kung libreng ipagagamit ang beep cards sa commuters.
Ipinunto naman ni DOTr Secretary Arthur Tugade na hindi ito usapin ng kikitain ng service provider, bagkus, ito ay usapin ng pagmamalasakit sa commuters dahil sila ang isa sa mga pinakatinamaan ang kabuhayan dahil sa pandemya.
Ayon kay Tugade, ang P80 na ito ay malaking bagay na para sa mga commuter at ordinaryong manggagawa.
Nauna na dito, inatasan din ng DOTr at ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga public utility vehicles (PUVs) na gumamit ng cashless transactions upang i-minimize o tuluyang maiwasan ang human interaction sa pagitan ng driver at mga pasahero nito, para mabawasan ang banta nang pagkalantad sa COVID-19 virus.
Gayunman, marami sa mga pasahero ang hindi makayanan ang P80 na bayad ng beep card, bukod pa sa kanilang pasahe, kaya’t marami sa mga ito ang umaalma.
Inaasahan namang magpapalabas ang LTFRB ng Memorandum Circular sa susundo na linggo, na nag-aatas sa lahat ng PUV operators na huwag ipabalikat ang halaga ng cashless payment system, partikular na ang mga AFCS card, sa mga commuters.
- Latest