Ulo ng dinukot na Navy reservist, inilagay sa ice box
MANILA, Philippines — Nadiskubre sa loob ng isang ice box ang pugot na ulo ng isang reservist ng Philippine Navy na inabandona sa isang kalsada sa Sta. Cruz, Maynila kamakalawa ng gabi.
Sa pamamagitan ng kanyang pinsan, nakilala ang biktima na si Oliver Ignacio, residente ng Brgy. San Roque sa Navotas City.
Sa ulat ng Sta. Cruz Police Station, nadiskubre ang ulo sa may kanto ng Florentino Torres at Soler Street sa Sta. Cruz dakong alas-12 ng hatinggabi. Isang tricycle driver na si Jerwin Mirabueno at kasamahan na si Jun San Diego ang nakatuklas sa ulo nang mapansin nila ang abandonadong ice box sa gitna ng kalsada.
Patungo na sana sa Gandara Police Community Precinct ang dalawang saksi nang makasalubong ang isang police patrol car na pinara nila at iniu-lat ang nadiskubre.
Nabatid na ang naturang lugar ay doon din napatay si Police Executive Master Sergeant Rodel Candido ng isang grupo ng mga holdaper. Inaalam ng pulisya kung may kaugnayan ang pugot na ulo sa natu-rang kaso.
Ayon sa pinsan ng biktima, alas-4:45 ng Huwebes ng hapon nang dukutin ito ng tatlong lalaki sakay ng isang itim na Montero sa impounding area sa kahabaan ng C4 sa Navotas at mula noon ay hindi na nakita pa hanggang sa ulo na ang makita.
Patuloy ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng pulisya kabilang ang pagsusuri sa mga CCTV cameras sa bisinidad upang matukoy kung sino ang naglagay ng naturang ice box sa kalsada.
- Latest