MANILA, Philippines — Namahagi ang pamahalaang lungsod ng Quezon City ng may 2,000 bike helmets kaugnay sa ipapatupad na ordinansa na gagawing mandatory ang pagsusuot ng helmet ng mga nagbibisikleta.
Pinangunahan ng department of public order and safety sa lungsod ang pamamahagi ng helmet sa mga bikers, kung saan prinayoridad ang mga senior citizen at mahihirap na travellers.
Magugunitang una nang inaprubahan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang ordinansa na gawing mandatory ang pagsusuot ng helmet ng mga bike riders na dadaan o gagamit ng mga lansangan sa lungsod.
Ngayong bahagi na ng new normal ang bisikleta, kailangan din naman na mabigyan ng proteksyon ang mga bike rider. Ang pagsusuot ng helmet ay makakatulong sa paglalakbay at ligtas na masasapit ang kanilang mga destinasyon,” dagdag pa ni Belmonte.
Sa kabila na ang pagsusuot ng helmets sa bikers ay mandatory na sa ilalim ng Road Safety Ordinance, sinabi ng city council na may panga-ngailangan pa rin para magpatupad ng isa pang polisiya na mas magpapatindi sa paggamit ng helmets.
Ang mga mahuhu-ling walang suot na helmet habang bumabaybay sa mga lansangan sa lungsod ay pagmumultahin ng P1,000 sa unang paglabag, P3,000 sa ikalawa at P5,000 sa ikatlong paglabag.