MANILA, Philippines — Walang magaganap na pagtataas sa pasahe sa mga provincial bus sa pagbabalik operasyon nito papasok ng Metro Manila .
Ito ang tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kahit may mga panawagan na maitaas ang pasahe sa mga provincial buses dahil sa laki ng gastos sa kabila ng kakaunting bilang ng mga pasahero.
Ayon kay LTFRB Technical Division head Joel Bolano, walang pagbabago at mananatili ang pasahe sa ilalim ng Memorandum Circular (MC) 2020-051 .
Nakasaad dito na mananatiling P9.00 ang pasahe sa unang limang kilometro at dagdag na P1. 55 sa mga susunod na kilometro sa ordinary bus.
Mananatili naman sa P1.75 kada kilometro ang pasahe habang P1.85 naman sa deluxe; P1.95 sa super deluxe at P2.40 sa luxury bus na pawang airconditioned bus.
Simula September 30 ay balik na ulit sa operasyon ang mga provincial bus pero kailangang sundin ng mga ito ang health protocols tulad ng pag- body temperature bago magsakay ng pasahero, pagsusuot ng face mask at face shield at 1 metrong layo ng mga pasahero sa loob ng sasakyan at 50 percent lamang ang sakay na mga pasahero.