MANILA, Philippines — Isang 2- buwang sanggol ang nasawi makaraan itong aksidenteng mahulog sa siwang ng kanilang barung –barong na nasa ilalim ng tulay sa Malabon City nitong Biyernes ng gabi.
Nakalutang na sa ilog at wala nang buhay ng madiskubre ng kaniyang mga magulang ang katawan ng biktimang si Zoey Joy Bonifacio.
Sa ulat ng Malabon Police Women and Children’s Desk, bandang alas-11:30 ng gabi nang magising ang ina ng sanggol na si Mary Joy sa ingay na nilikha ng nagkakagulong mga tao na pawang nakatira rin sa ilalim ng tulay ng Estrella Street, Brgy. Tañong ng lungsod.
Agad na lumabas ng kanilang barung-barong si Mary Joy at laking gulat nito nang makitang ang kaniyang sanggol na nakalutang sa ilog ang pinagkakaguluhan ng mga residente sa ilalim ng tulay.
Lumusong naman sa ilog ang lolo ng biktima sa pag-asang maililigtas pa ang apo subali’t hindi na humihinga ang sanggol nang iahon ito sa tubig.
Sa pahayag ng ginang sa pulisya katabi niya ang anak pati na ang kanyang mga magulang sa pagtulog sa kanilang tirahan sa ilalim ng tulay at hindi niya namalayan na nawala sa tabi niya ang kaniyang sanggol.
Posibleng nahulog mula sa siwang ng tirahan ang sanggol ng hindi namamalayan ng kanyang ina, lolo at lola kaya bumagsak sa ilog na naging sanhi ng kamatayan nito.
Nabatid pa na hindi kaagad inireport ng pamilya Bonifacio sa pulisya ang insidente at nakarating lamang ito sa kaalaman ng Malabon Police Sub Station 3 bandang alas-9 ng umaga nitong Sabado ng sabihin ng isang vendor na si Myrna Esponilla na naninirahan din sa ilalim ng tulay.