AWOL na pulis, 3 pa timbog sa mga baril at granada sa inuman sa labas ng bahay
MANILA, Philippines — Timbong ang apat na lalaki kabilang ang isang AWOL na pulis habang nag-iinuman sa pampublikong lugar sa gitna ng curfew hours na nakasukbit pa ang mga baril at may dalang granada, sa Taguig City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga suspek na sina Carlo Reyes, 45, AWOL na parak; Muhammad Akang, 25; Dan Dan Reguyal, 26; at Kharlo Cincua , 29, pawang residente ng PNR Site, FTI Compound, Barangay Western Bicutan, Taguig City.
Sa ulat ng Station Intelligence Section (SIS) ng Taguig Police Station, alas-10:00 ng gabi ng Martes (Set. 22) nang maaresto ang mga suspek sa Purok-10, PNR Site, FTI Compound, Brgy. Western Bicutan, Taguig City.
Una nang nakatanggap ng tawag sa telepono ang SIS-Taguig Police hinggil sa ilegal na pagpapaputok umano ng baril sa PNR Site, FTI Compound kaya rumesponde sa lugar at nadatnan ang mga suspek na nag-iinuman na magkakatabi ng walang physical distancing at walang mga suot na face masks .
Nang lalapitan na ay napansin din ng mga pulis ang nakasukbit na kalibre 45 ng awol na pulis kaya siya dinisarmahan at isinunod na kapkapan sina Akang na may sukbit ding 9 mm Armscor pistol, si Reguyal na may kalibre 38 Smith and Wesson revolver, isang hand grenade na nakuha kay Reyes at isa ring granada mula kay Cincua.
Kinumpiska rin ang Samsung cellphone ni Reyes.
Ang mga suspek ay isasailalim sa inquest proceedings sa Taguig Prosecutor’s Office sa reklamong paglabag sa Republic Act 11332 (State of Public Health Emergency); RA 10591 (Illegal Possession of Firearms and Ammunitions) at RA 9516 (Illegal Possession of Explosive [Handgrenade].
- Latest