MANILA, Philippines — Personal nang nai-turn over kahapon ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang may 176, 000 Samsung tablets sa QC School Division Office na gagamitin ng mga junior at senior students sa mga pampublikong high school sa online classes.
Ang tablets ay may 10GB data connection kada buwan oras na matanggap na ng mga mag-aaral.
“We are very happy to be partnering with Samsung, one of the leading global brands when it comes to cutting-edge gadgets and technology. We are confident that the gadgets and technology they have supplied to us are of good quality. Only the best for our QC students”, pahayag ni Mayor Belmonte.
Nabatid na naglaan ng P2.9 bilyon ang pamahalaang lungsod para sa Special Education Fund programs na layong matiyak ang patuloy na edukasyon ng mga mag-aaral sa QC .
Naglaan din anya ang lokal na pamahalaan ng internet connectivity sa lahat ng 159 elementary at secondary public schools, habang ang 14,000 pubic school teachers ay tatanggap ng P1K load para sa data na gagamitin sa pagtawag at text kada buwan para matiyak ang patuloy na contact sa kapwa mga guro, mga mag-aaral , mga magulang at kanilang guardians.
Sinabi rin ni Belmonte na patuloy na maglalaan ang lokal na pamahalaan ng pondo para sa monthly supplemental allowance na P1,500 para sa lahat ng guro habang nasa proseso na ang lokal na pamahalaan na makabili ng 3, 210 laptops para sa mga paaralan para magamit ng mga instructors na makakatulong sa paghahanda sa kanilang modules at klase.
Mayroon pa anyang P400 milyon na laan ang QC government para sa pagtatayo ng mga gusali, repair at rehabilitasyon ng mga school buidling para sa mga mag- aaral na gagamitin oras na payagan na ang regular na face to face mode of instruction
Anya, ang paglalaan ng ayuda sa edukasyon ay isa sa pangunahing programa ng kanyang administrasyon.
Hiniling ni Belmonte na maiingatan ang mga ayudang gadgets para magamit pa ito ng susunod na mga mag-aaral sa mga darating na mga taon.