MANILA, Philippines — Dumagsa na ang mga dumadalaw sa mga sementeryo sa Maynila matapos ang kautusan ni Manila Mayor Isko Moreno na isasara ang mga pampubliko at pribadong sementeryo sa lungsod simula sa Oktubre 31 hanggang Nobyembre 3, 2020 upang makaiwas sa paghahawaan ng COVID-19.
Pinasalamatan naman ni Mayor Isko Moreno ang publiko, lalo na ang mga taga-Maynila sa naging tugon sa kaniyang panawagan na maagang bumisita sa mga puntod ng kanilang mahal sa buhay.
Ipinabatid nina Yayay Castaneda, administrator ng Manila North Cemetery (MNC) at Jess Payad ng Manila South Cemetery (MSC), na dumadagsa na ang mga dumadalaw sa mga libingan kahit malayo pa ang All Saints Day at All Souls Day.
Muling pinaalala naman ni Moreno sa mga bumibisita sa sementeryo, maging sa hindi taga-Maynila, na sumunod sila sa health protocols kabilang ang pagpapakuha ng temperature, pagsusuot ng face masks at face shields, physical distancing at hindi maaring pagbabawal sa mga senior citizens at mga may edad na hindi pa tumutuntong sa 20.
Gayundin ang mga dating ipinagbabawal na pagdadala ng deadly weapons, mga nakalalasing na inumin, mga gamit sa pagsusugal at maiingay na electronic tulad ng loud speakers.
Hanggang sa Oktubre 30, 2020 na lang bukas sa publiko at paglilibing ang pinakamalaking Manila North Cemetery mula alas 8:00 hanggang alas 5:00 ng hapon, mula Lunes hanggang Linggo, ani Castaneda.
Hindi rin pinapayagan ang mga vendor na pumasok sa libingan, maliban sa funeral car at hanggang 30 lang ang maaring makasama.
Ayon naman kay Payad, ang MSC ay bukas naman mula alas 7:00 ng umaga hanggang alas 5:00 ng hapon sa buong linggo.
Una nang iniutos ng alkalde na hindi lamang ang mga sementeryo ang isasara sa mga nasabing petsa kundi mga columbariums din sa lungsod.