MANILA, Philippines — Isang 26-anyos na babae ang nasawi makaraang pagsasaksakin ng hinihinalang miyembro ng ‘Akyat Bahay’ gang nang pumalag ang huli sa panloloob sa kaniyang inuupahang apartment sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang nasawi na si Cristina Hipolito nagtamo ng malalalim na saksak sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan.
Arestado naman ng mga Brgy. Tanod ang suspect na si Jerome Tayubong, 27, residente ng Brgy. 90 ng nasabing lungsod.
Sa imbestigasyon, puwersahang pinasok ng suspect ang apartment ng biktima sa 11th Avenue, Brgy. 68, Caloocan City dakong alas-6:30 ng gabi.
Nag-iisa ang biktima sa loob ng kaniyang kuwarto nang tutukan ng patalim ng suspect.
Agad na hinalughog ni Tayubong ang mga kagamitan ni Hipolito kung saan puwersahang kinuha ang tatlong cellphones, sari-saring identification cards at nang tatakas na ito ay nanlaban ang biktima kaya’t pinagsasaksak ito ng nairitang suspect.
Samantalang napansin naman ng caretaker ng apartment ang komosyon kaya’t agad na humingi ng tulong sa mga brgy. tanod na mabilis namang nagresponde at hinabol ang papatakas na suspect.
Nakorner naman ang suspect na nagresulta sa pagkakaaresto nito at nabawi ang mga ninakaw na gamit sa biktima.