Bag na may lamang 4 kilo ng shabu nasabat ng QCPD

Nasamsam ng mga tauhan ng Quezon City Police District Station Drug Enforcement Unit (QCPD-SDEU) Kamuning Station 10 ang nasa 4 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P27.2 milyon at timbangan na inabandona sa may Panay Avenue sa Brgy.Paligsahan sa nabanggit na lungsod.
Boy Santos

MANILA, Philippines — Apat na kilo ng hinihinalang shabu na itinago sa bubong ng isang abandonadong apartment ng isang tumakas na babaeng drug suspect, ang narekober ng mga awtoridad sa Brgy. Paligsahan, Quezon City, kahapon ng umaga.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director BGen. Ronnie Montejo, batid na nila ang pagkakakilanlan ng drug suspect ngunit tumanggi muna itong isapubliko habang hindi pa ito naaaresto.

Batay sa ulat, dakong alas-10:30 ng umaga nang masamsam ng mga tauhan ng Kamuning Police Station 10, ang apat na kilong shabu na nakasilid sa travelling bag sa bubong ng isang bakanteng apartment sa  Panay Avenue, Brgy Paligsahan.

Nauna rito, pumasok sa bakanteng apartment ang suspek at doon isinagawa ang pagtimbang ng dala nitong shabu.

Gayunman, may nakakita umano sa ginagawa ng suspek kaya’t inireport ito sa mga awtoridad.

Kaagad namang rumesponde sa lugar ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Kamuning Police Station subalit hindi na nila naabutan ang babaeng suspek dahil nagawa na umano nitong makatalon mula sa bubong ng gusali.

Nang halughugin naman ng mga pulis ang itim na travelling bag na iniwan ng babae ay na­rekober nila  ang shabu na nagkakahalaga ng P27.2 milyon gayundin ang dalawang timbangan.

Sa ngayon ay patuloy na ang isinasagawang follow-up operation ng mga pulis upang tugisin ang nakatakas na suspek.

Show comments