Manila LGU nagpasalamat kay Duterte DENR sa rehabilitasyon ng Manila Bay
MANILA, Philippines — Pinasalamatan ni Manila Mayor Isko Moreno si Pangulong Rodrigo Duterte at ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na pinamumunuan ni Secretary Roy Cimatu dahil nasolusyunan na ang inakalang pangmatagalang problema sa maruming tubig ng Manila Bay.
Sinabi ni Moreno na malaking tulong ang itinayong water quality monitoring machine sa Manila Bay ng DENR na regular na susuri at magmomonitor sa kalidad ng tubig.
Maaring ganitong uri rin ng makina ang ilalagay sa bunganga ng Pasig River at sa bahagi ng Baseco.
Umapela naman ang alkalde sa mga mahilig magtapon ng basura sa mga ilog, dagat at estero na alalahanin ang old commercial na , “ang basurang itinapon mo, babalik sa rin sa ’yo” na nararanasan naman kapag bumabaha dahil nagbabara ang mga drainage at sewers.
“World record na ata tayo sa pagtatapon ng basura sa mga ilog… flying colors sa pagdudumi,”ani Moreno.
Makikita rin aniya ng mga tao na magiging kapaki-pakinabang sa hinaharap ang makina .
“Darating ang oras, malalaman mo, effective ba ang ginagawa? Nao-audit mo, ‘di lang puro kiyaw-kiyaw,” aniya pa.
Hindi aniya, magiging lubos na tagumpay ang proyektong ito kung hindi makikipagtulungan ang mga tao, kahit sa maliit na paraan lamang na huwag hayaang dumumi ang dalampasigan at katubigan sa lahat ng oras.
- Latest