MANILA, Philippines — Pabor si Interior Secretary Eduardo Año sa desisyon ng ilang lokal na pamahalaan na maipasara ang lahat ng pribado at pampublikong sementeryo sa Undas dahil sa COVID- 19 pandemic.
Ayon kay Año hinihikayat talaga nila ang pagsasara ng mga sementeryo para maiwasan ang pagtitipon ng mga tao roon.
Binigyang diin ng Kalihim na maaari namang bisitahin ng mga kaanak ang puntod ng namayapa nilang kapamilya sa ibang araw.
“Just imagine the scenario where millions of people will flock to cemeteries for that,” pahayag ni Año.
Gayunman, sinabi ng Kalihim na hindi pa lahat ng alkalde ay nagkasundo sa pagsasara ng mga sementeryo pero inaasahan na matata-lakay ang isyung ito sa Metro Manila Council sa darating na araw ng Linggo.
Dagdag pa ni Año, may iba pang paraan sa paggunita sa tradisyon tuwing Nobyembre 1 at 2 at isa na dito aniya ang pagdarasal na lang sa bahay para sa namayapang kapamilya.
Sinabi pa nito na maaaring magkaroon ng malawakang hawaan ng virus sa mga sementeryo dahil milyun-milyon ang dumadagsa sa mga libingan tuwing Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2.