LTO main office sa Quezon City, 2 araw sarado dahil sa COVID-19
MANILA, Philippines — Pansamantalang isasara ang main office ng Land Transportation Office (LTO) sa East Avenue sa Quezon City makaraang magpositibo sa COVID-19 ang apat na manggagawa dito.
Ayon sa LTO, sarado muna ang LTO main office ngayong September 10, Huwebes at sa Biyernes September 11 para isagawa ang disinfection doon.
Ang hakbang ay makaraang sumailalim sa confirmatory RT-PCR tests ang apat na tauhan mula sa mga tanggapan sa LTO main office at dito napatunayang nagpositibo ang mga ito sa COVID-19.
“Nagkataon na hindi ito isang opisina lang eh kalat ito. ‘Yung posible na pinasyalan nila kailangan madecontaminate ito,” pahayag ni LTO chief Assistant Secretary Edgar Galvante.
Bunga nito, wala munang transaksyon sa LTO tulad ng rehistro ng sasakyan at pagkuha ng drivers license sa main office ng ahensiya.
Ayon kay Galvante, agad ipapaalam sa publiko kung eextend nila ang pagsuspinde sa trabaho sa main office.
Ang pagsuspinde sa trabaho sa LTO main ay ikalawang beses na makaraang may mga tauhan din ang nag positibo sa Covid-19 ilang buwan ang nakararaan.
- Latest