Miyembro ng Boratong Drug Group, arestado

Kinilala ni Eastern Police District Director P/BGen. Johnson C. Almazan, ang suspek na si Cenon Roxas Intalan, 61, top 9 illegal drugs personality ng NCRPO at kasama sa Priority Data Base.
STAR/File

MANILA, Philippines — Naaresto ng mga pulis ang isang miyembro ng “Boratong” drug group sa isinagawang joint drug buy-bust operation ng pulisya sa Barangay Pineda, Pasig City.

Kinilala ni Eastern Police District Director P/BGen. Johnson C. Almazan, ang suspek na si Cenon Roxas Intalan, 61, top 9 illegal drugs personality ng NCRPO at kasama sa Priority Data Base.

Ang Boratong drug group ay dating pinamumunuan ng convicted drug lord na si Amin Imam Boratong, na kamakailan ay napaulat na namatay na dahil sa COVID-19.

Base sa ulat, dakong alas-12:30 ng tanghali nang maaresto ng pinagsanib na puwersa ng EPD at NCRPO si Intalan.

Nakatanggap ang mga awtoridad ng tip na si Intalan ay sangkot sa illegal drug acti­vity sa Brgy. Pineda, at sinasabing ipinapa­gamit niya ang kanyang tahanan bilang drug den sa kanyang mga kliyente.

Kaagad nagkasa ng buy-bust ang mga awtoridad na ikinaaresto ng suspek. Narekober dito ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu at P500 marked money.

Ayon sa EPD, si Intalan ay isa umano sa mga source ng ilegal drugs sa kanilang barangay. Siya umano ang nagpatuloy ng iligal na gawain ng kanyang kapatid na si Anthony, na miyembro rin umano ng Boratong na naaresto noong Hulyo 3, 2018.

Nakakulong ngayon ang suspek sa custodial facility ng Pasig Police at tinitiyak ng pulisya na hindi na siya makalalaya.

Show comments