Residential building sa Navotas ini-lockdown dahil sa COVID-19

MANILA, Philippines — Inutos ni Navotas City Mayor Toby Tiangco ang pag-lockdown sa isang buong residential building sa Bgy. Tanza 2, Navotas City simula kahapon, araw ng Linggo.

Ayon sa kaniyang ni­lagdaang executive order, simula alas-5 ng umaga kahapon ay isinailalim sa lockdown ang Building 4 ng Navotas Socialized Housing. Magtatagal ito nang 14 days o hanggang sa Setyembre 19.

Ayon kay Tiangco, 25 residente ng nasabing gusali ang kumpirmadong positibo sa COVID-19 nitong Agos­to, ayon sa tala ng City Health Office. Nitong Setyembre, nadagdagan ito ng dalawa pang kaso mula sa magkahiwalay na bahay.

Habang nakalockdown, lahat ng residente ng Building 4 ay isasailalim sa swab test. Lahat ng magpopositibo ay dadalhin sa Community Isolation Facility. Bibigyan ng relief packs ang mga miyembro ng kanilang pamilya na maiiwan sa bahay.

Ang mga may trabaho o negosyo (essential worker) na exempted ng IATF ay makakapasok lamang sa trabaho kapag nagnegatibo na sila sa swab test; at may dala silang valid company ID o certificate of employment.

Sa pinakahuling tala ng Navotas LGU, 4,473 na ang mga nagpositibo sa COVID-19, 432 dito ay mga active cases o kasalukuyan pang ginagamot, habang nasa 126 ang namatay.

Sinabi ni Tiangco na bagamat pababa ang mga kaso ng COViD sa lungsod kailangan pa rin ang sakripisyo para mas lalo pa itong bumaba.

Show comments