Disiplina ng bawat pamilya kontra COVID-19, giit ni Joy Belmonte

Pinangunahan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang pami-migay ng nasa daang-libong face masks para sa mga senior citizen sa lungsod kahapon.
Kuha ni Boy Santos

MANILA, Philippines — Hinimok ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang bawat pamilya partikular ang mga ma­gu­lang na pairalin ang disiplina sa loob ng tahanan sa paglaban sa COVID-19.

Sinabi ito ni Belmonte nang pangunahan ang simpleng seremonya sa ginawang pagbubukas ng hand washing facili­ty na naipagkaloob ng Manila Water sa  lokal na pamahalaan para magamit ng mga local­ly stranded individuals (LSIs) na nasa loob ng basketball court sa Quezon Memorial Circle  kahapon ng umaga.

Ayon kay Belmonte, patuloy na ginagawa ng lokal na pamahalaan ang lahat ng paraan para maiwasan ang pagkalat ng virus kaya’t ang bawat pamilya ay dapat na  makiisa sa programa ng lungsod na labanan ang COVID-19.

“Ginagawa na natin ang lahat. Nagbibigay tayo ng edukasyon para dito, nagkakaloob tayo ng mga medical kits, matinding contact tra-cing. Napagtagumpayan na natin ang paglaban sa COVID dahil sa dami ng ating mga recoveries. Nakita  natin na buma­baba na ang kaso sa ating lungsod pero napag-aralan natin na nagkakaroon ng mabilis na hawahan ngayon mula sa mga tahanan kaya sana magkaroon ng disiplina ang bawat pamilya para makaiwas sa hawahan,”  pahayag ni Belmonte.

Anya noong na-infect siya ng virus ay hindi nahawa ang kanyang pamilya dahil sa ipinairal na disiplina sa loob ng tahanan nila at hindi niya nilalapitan ang mga ito.

Muling nanawagan si Belmonte sa mga taga- QC na ugaliin pa ring magsuot ng face mask, laging maghuhugas ng kamay at sundin ang social distancing para patuloy na malabanan ang pandemic.

 

Show comments