Disiplina ng bawat pamilya kontra COVID-19, giit ni Joy Belmonte
MANILA, Philippines — Hinimok ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang bawat pamilya partikular ang mga magulang na pairalin ang disiplina sa loob ng tahanan sa paglaban sa COVID-19.
Sinabi ito ni Belmonte nang pangunahan ang simpleng seremonya sa ginawang pagbubukas ng hand washing facility na naipagkaloob ng Manila Water sa lokal na pamahalaan para magamit ng mga locally stranded individuals (LSIs) na nasa loob ng basketball court sa Quezon Memorial Circle kahapon ng umaga.
Ayon kay Belmonte, patuloy na ginagawa ng lokal na pamahalaan ang lahat ng paraan para maiwasan ang pagkalat ng virus kaya’t ang bawat pamilya ay dapat na makiisa sa programa ng lungsod na labanan ang COVID-19.
“Ginagawa na natin ang lahat. Nagbibigay tayo ng edukasyon para dito, nagkakaloob tayo ng mga medical kits, matinding contact tra-cing. Napagtagumpayan na natin ang paglaban sa COVID dahil sa dami ng ating mga recoveries. Nakita natin na bumababa na ang kaso sa ating lungsod pero napag-aralan natin na nagkakaroon ng mabilis na hawahan ngayon mula sa mga tahanan kaya sana magkaroon ng disiplina ang bawat pamilya para makaiwas sa hawahan,” pahayag ni Belmonte.
Anya noong na-infect siya ng virus ay hindi nahawa ang kanyang pamilya dahil sa ipinairal na disiplina sa loob ng tahanan nila at hindi niya nilalapitan ang mga ito.
Muling nanawagan si Belmonte sa mga taga- QC na ugaliin pa ring magsuot ng face mask, laging maghuhugas ng kamay at sundin ang social distancing para patuloy na malabanan ang pandemic.
- Latest