MANILA, Philippines — Timbog ang dalawang indibiduwal na sangkot sa pagbebenta ng mga pekeng barangay at medical certificates na requirement para sa travel pass, sa isinagawang entrapment operation ng pinagsanib na puwersa ng Intelligence Unit at Criminal Investigation Unit ng Muntinlupa Police, sa Muntinlupa City, kamakalawa ng gabi,
Kinilala ang mga suspek na sina Rodel Monge, 41, at Editha Ruanto, 40, na ipinagharap na ng kaukulang kaso.
Sa ulat, dakong alas-6:15 ng gabi nang maaresto ang mga suspek sa Alabang viaduct sa tapat ng Barrio Bisaya, Brgy. Alabang, matapos iabot ang mga pekeng brgy. at medical certificates sa 24-anyos na massage therapist na nagpanggap na kliyente.
Una nang nakatanggap ng impormasyon ang hepe ng Muntinlupa Police Intelligence Unit na si P/Major Peter Aquino mula sa mga opisyal ng Brgy. Alabang na ang dalawa ay nag-iisyu ng mga pekeng dokumento para sa mga nag-aaplay ng travel pass kaugnay sa communityy quarantine.
Ang narekober na pekeng mga dokumento ay pinalabas na nagmula umano sa Muntinlupa City Health Office (MCHO).