MANILA, Philippines — Nagkaisa ang lahat ng alkalde ng Metro Manila sa kanilang rekomendasyon sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na mapalawig pa ang general community quaratine (GCQ) sa National Capital Region (NCR).
Sinabi ni Metro Manila Council (MMC) chair at Parañaque Mayor Edwin Olivarez na napagkasunduan ng 17 mayors sa ginanap nilang pulong na pinagbatayan sa kanilang rekomendasyon sa IATF na kailangang mabalanse ang ‘health’ at ‘economy’ .
“Ang pinagbasehan po nyan yung pagbubukas natin ng ekonomiya na dahan-dahan, na hindi pwedeng i-compromise ang ating health protocol, hirap na hirap na po ang ating mga kababayan,” ani Olivarez.
Inaasahan namang ito rin ang irerekomenda ng IATF kay Pangulong Rodrigo Duterte na magdedesisyon kung anong quarantine status ang ipatutupad ngayong Setyembre 1.
Napag-usapan din aniya, sa pulong ng MMC na paikliin na lamang ang curfew hours na mula sa alas- 8 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw ay gagawing alas- 10 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw.
Patuloy din aniya ang gagawing pagpapaigting sa critical care capacity sa pamamagitan ng pagtatayo pa ng mga isolation facilities para sa may mga mild cases at suspected cases ng coronavirus diseases 2019 (COVID-19).
Itutuloy din ang pagpapatupad ng localized lockdown sa ilang lugar na matutukoy na may clustering cases dahil sa pagkakahawaan.