Lawton underpass nakakasa na ang ‘makeover’
MANILA, Philippines — Matapos ang ma-tagumpay na total makeover sa Manila City Hall Underpass sa tabi ng Lagusnilad, ikinakasa na rin ang pagpapaganda ng Lawton Underpass na nag-uugnay sa Park N’ Ride area at Intramuros area.
Ang naturang underpass ang nagsisilbing daanan ng libu-libong estudyante na mula sa Colegio de San Juan de Letran at Lyceum of the Philippines, gayundin sa mga empleyado ng mga establisimyento sa lugar at ang mga manggagawa at biyahero na patungo sa parking terminal ng mga bus patu-ngong Cavite.
Nauna rito, noong Marso ay ipinaayos ni Moreno ang MCH Underpass, na nagkokonekta sa city hall sa Intramuros matapos na maging mabaho at marumi nang gawing tindahan ng mga illegal vendors.
Kamakailan lamang ay binuksan nang muli nina Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna ang pinagandang MCH Underpass na hinangaan dahil sa pagiging malinis, maaliwalas, moderno at pagkakaroon pa ng vertical gardens at ang kahanga-hangang ipinamalas ng mga artists sa art work at murals na naglalarawan ng mayamang kasaysaysan ng Maynila.
Makikita rin sa MCH Underpass ang isang information map ng mga linya ng jeepney sa lungsod, at isang digital information kiosk na maaaring gamiting gabay ng mga turista, mga bisita at mga residente para tuntunin ang ispesipikong lugar sa lungsod na nais nilang puntahan.
Isang bahagi rin ng underpass ang inilaan para bigyang-parangal ang mga frontliners ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.
- Latest