Preso nang-agaw ng baril patay, 2 female cop sugatan
MANILA, Philippines — Isang preso ang napatay makaraang mang-agaw ng baril at makipagbarilan sa mga pulis na nagresulta ng pagkakasugat ng dalawang babaeng pulis sa Mandaluyong City Jail, kahapon ng hapon.
Kinilala ni Mandaluyong City Police Chief, Col. Hector Grijaldo, ang napatay na preso na si Emerson Bernaldez, na may kasong alarm scandal habang sugatan ang dalawang pulis na sina Corporal Shane Tolyaden Mabagtag at Corporal Michelle Unating De Jesus.
Sa inisyal na report, dakong alas-3:45 ng hapon ay nakiusap na lumabas ng selda ang preso para magtungo sa comfort room ngunit bigla itong nang-agaw ng baril na naging dahilan ng komusyon.
Agad rumesponde ang iba pang tauhan ng Mandaluyong Police at nagkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng preso at mga awtoridad.
Agad tinamaan sa kamay at katawan ang dalawang pulis habang patay naman ang presong si Bernaldez matapos itong barilin at tumalon sa ikalawang palapag ng City Jail.
Sinabi pa ni Col. Grijaldo, ilang araw pa lang na nakakulong si Bernaldez at napansin nilang balisa ito bago mangyari ang pang-aagaw niya ng baril.
- Latest