MANILA, Philippines — Hinikayat ng Social Security System (SSS) ang mga miyembro sa Metro Manila na i-register ang kanilang account online sa My.SSS upang makaiwas sa mahabang pila ngayong nananatiling nasa general community quarantine ang rehiyon dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon sa SSS, naging digital na ang mga proseso sa ahensiya upang higit na maging magaan at maging ligtas ang mga miyembro mula sa naturang virus.
Una nang nagpatupad ang SSS ng mandatory online submission ng maternity at sickness notification ng mga employers gayundin ang aplikasyon para sa unemployment benefit, funeral benefit, sickness-benefit reimbursement claims, SSS-member claimants, salary at calamity loans.
Nagtakda rin ang SSS ng bagong guidelines para sa online filing ng retirement claim applications (RCAs) upang higit na mas mabilis at ligtas ang mga miyembro sa pagkuha ng claims ngayong panahon ng pandemic.
Hiniling din ng ahensiya sa mga qualified payees at member-borrowers na i-enrol ang kanilang disbursement accounts sa Bank Enrollment Module (BEM) sa ilalim ng E-services tab ng kanilang My.SSS accounts na nasa SSS website (www.sss.gov.ph).
Sa mga miyembro at employers na gustong makipag transaksiyon sa mga SSS branches ay maging mahinahon at magpasensiya dahil sa mahabang pila at pagpapairal ng quarantine protocols tulad ng pagsusuot ng face mask, face shield, physical distancing at iba pa.
Sa mga miyembro at employers na may nais pang malaman, ang mga ito ay maaaring tumawag sa SSS’ hotline sa 1455 o sa Interactive Voice Response System sa 7917-7777. Maaari ring tingnan sa SSS Facebook page at sa Philippine Social Security System.