Basta magkasama sa bahay ang rider at angkas
MANILA, Philippines ? Hindi na obligado ang motorcycle riders na magkasama sa bahay na gumamit ng motorcycle barriers.
Ito ang kinumpirma ni Joint Task Force COVID Shield Commander Lt. General Guillermo Eleazar kasabay ng pagpapairal ng general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila at ilan pang lalawigan sa bansa kahapon.
Nabatid na naaprubahan din ito ng National Task Force on COVID-19.
Ayon kay Eleazar, tanging ang mga hindi magkasama sa bahay ang oobligahin na gumamit ng angkas designed barrier.
Dapat ang angkas ay Authorized Person Outside of Residence (APOR).
Ang driver naman ay maaring hindi APOR ngunit dapat pag-aari nito ang motorsiklo at not for hire.
Kinakailangan din na nakasuot ng face masks at full face helmets ang magka-angkas sa motorsiklo.
Samantala, sa mga lugar na nasa modified GCQ, ipinauubaya na ng NTF COVID-19 sa mga Local Government Unit (LGU) kung ipatutupad ang bagong guidelines sa motorcycle back riding.