Ospital ng Tondo, pansamantalang isasara
32 health workers nagpositibo sa COVID-19
MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Manila City Mayor Isko Moreno ang pansamantalang pagpapasara sa Ospital ng Tondo makaraang panibagong 32 medical healthworkers ang magpositibo sa coronavirus disease (COVID-19).
Sinabi ni Moreno na inaprubahan na niya ang kahilingan ng pamunuan ng Ospital ng Tondo para sa 10 araw na pansamantalang pagpapasara nito upang bigyang-daan din ang sanitasyon at mapagpahinga ang mga medical staff ng pagamutan.
Ang kahilingan ay mula kay hospital director Dra. Myrna Lacson-Paloma na inaasahang uumpisahan nang ipinatupad kahapon.
“So para maka-relax, ma-ease the burden na ang pasyente ay doktor na rin, pasyente ay nurse na rin at mabigyan sila ng panahon na makareko-ber at makapagpahinga na rin,” ayon sa alkalde.
Tiniyak naman ng pagamutan na patuloy na makatatanggap ng medical care ang mga pasyente na naka-confine doon kabilang ang mga maysakit ng COVID-19 ngunit hindi muna tatanggap ng mga bagong pasyente.
Tanging mga emergency cases ang tatanggapin sa pagamutan habang ang iba ay ire-refer na lamang sa iba pang pampublikong pagamutan sa lungsod.
- Latest