MANILA, Philippines — Muling ipinag-utos ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang paggamit ng working at quarantine pass para sa kanilang mga residente kasabay ng pagpapa-iral muli ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila.
Ang Liga ng mga Barangay ang inatasang magpatupad nito at ipaalam sa ibang pinuno ng mga barangay para sa maayos na implementasyon.
“Inatasan ko na si Liga ng mga Barangay president, Councilor Julie Gonzales na i-coordinate ito agad sa pamunuan ng lahat ng 201 barangays ng Pasay at ipabatid at ipatupad ito sa mga residente,” ayon kay Calixto-Rubiano.
Sa ilalim ng direktiba, kailangang mayroong isang Quarantine Pass ang bawat bahay na magsisilbing pahintulot sa isang naninirahan dito na makalabas ng bahay upang bumili ng pagkain, gamot at iba pang esensyal na pangangailangan ng pamilya.
Dapat ding may working pass (Company ID/COE/Working Pass mula sa barangay) ang bawat nagtatrabaho sa alinman sa mga propesyon at industriyang pinapayagan ng IATF na mag-operate sa ilalim ng MECQ. Kung ang nanghihingi ng Working Pass ay naging kabilang sa listahan ng mga persons under monitoring o iyong mga ipinasasailalim sa 14-araw na quarantine, bago siya mabigyan ng pass ay kinakailangan muna niyang maipresenta ng certificate na nagpapatunay na nakatapos siya ng quarantine, health center certificate na wala siyang COVID-19, at certificate mula sa pinapasukang kompanya na pinababalik na siya sa trabaho.