QC Mayor Belmonte kinastigo 'shoot-to-kill order' ng opisyal sa MECQ violators

Nakasukbit ang mahabang baril na ito sa katawan ng isang sundalo habang namimigay ng ayuda sa Batasan Hills, Quezon City noong ika-28, ng Abril, 2020
The STAR/Michael Varcas, File

MANILA, Philippines — Kinundena ng alkalde ng Lungsod ng Quezon ang pagbabanta ng isa nilang opisyal sa buhay ng mga lalabag sa panuntunan ng mas mahigpit na modified enhanced community quarantine (MECQ) simula ngayong araw.

Basahin: QC official 'shoot-to-kill' ang utos vs MECQ violators; city memo walang ganoong parusa 

"I condemn what he said. What he posted was personal," sambit ni QC Mayor Joy Belmonte, Martes, kasabay ng press briefing ni presidential spokesperson Harry Roque.

"Ito po ay mali. It is inappropriate. It is irresponsible."

Kahapon lang nang i-post ni QC Task Force Disiplina head Rannie Ludovica ang kanyang panggagalaiti sa mga aniya'y magpapasaway ngayong ipatutupad na ang mas mahihigpit na lockdown protocols sa Metro Manila: "Mula bukas shoot to kill na ang lalabag sa MECQ," ani Ludovica.

Ayon kay Belmonte, nakausap na raw ng mayora si Ludovica hinggil sa isyu, bagay na ihiningi na raw niya ng tawad. Sa kabila nito, naiintindihan naman daw ng alkalde ang pinaghuhugutan ng opisyal.

"Normally, I would be very, very strict about these things pero nauunawaan ko kung saan siya nanggagaling bilang isang enforcer na nakikita ang kanyang hard work ay minsa'y 'di nagbubunga," patuloy pa ni Belmonte.

Gayunpaman, ipinaliwanag ng mayor na hindi sinasalamin ng pahayag ni Ludovica ang polisiya ng Quezon City local government unit (LGU) hinggil sa MECQ kontra hawaan ng coronavirus disease (COVID-19).

Ilan sa mga katususan ngayon ng QC LGU ay ang sumusunod:

  • pananatili sa bahay
  • pagbabawal sa nakalalasing na inumin
  • pagbabawal sa pampublikong transportasyon (maliban sa tricycle)
  • pagbabawal sa mass gathering
  • pagbabawal sa "dine-in" sa mga kainan
  • pagpapakita ng quarantine pass/work ID sa mga checkpoints

Ang mga lalabag sa mga sumusunod ay hindi "papatayin," bagkos papatawan ng mga sumusunod na parusa:

  • Ordinance SP-2934 s.2020 (An Ordinance Enabling the Declaration of Localized Community Quarantine)
  • Ordinance SP-2908 s.2020 (An Ordinance Requiring the Use of Facemasks)
  • Ordinance SP-2905 s.2020 (An Ordinance Setting Public Safety Hours)
  • Sec. 9 ng Republic Act 11332
  • Article 151 ng Revised Penal Code (Resistance and Disobedience to a Person In Authority)

Tingnan ang mga sumusunod na gabay sa muling pagpapatupad ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa lungsod...

Posted by Quezon City Government on Monday, August 3, 2020

Iligal na banta

Kanina lang nang idiin ni Interior spokesperson Jonathan Malaya na hindi wasto at iligal ang mga sabi-sabi ni Ludovica.

May kaugnayan: DILG: Shoot-to-kill threat vs quarantine violators 'illegal'

Dapat din daw ay itigil na niya ang paglalabas ng mga kahalintulad na statement sa social media lalo na't maaari raw itong makita bilang "official LGU policy," kahit hindi naman.

Kahit dapat magpanatili ng disiplina, nakiusap si Malaya at sinabing: "[T]his must be enforced within the bounds of the law."

Umani naman ng sari-saring batikos si Ludovica sa social media matapos pakawalan ang kontrobersyal na pahayag. Ang ilan, sa kanila, humihingi ng imbestigasyon at parusa.

"Ang mga ganitong klase ng pahayag ay nagpapakita ng mahina at inepektibo na pamamaraan kung paano tinutugunan ng pamahalaan ang pandemya. Abusado at uhaw sa kapanghyarihan ang ganitong pahayag para pamunuaan ang kaniyang mamamayan," sabi ng Kabataan party-list Central.

"Ayuda, hindi baril. Solusyong medikal, hindi militar, ang dapat na isagot ng gobyerno sa kaniyang mamamayan na naghihikahos ngayong nasa gitna ng pandemya."

Mariing kinokondena ng Kabataan Partylist Central si Rannie Ludovica, lider ng Quezon City Task Force Disiplina, sa...

Posted by Kabataan Partylist Central on Monday, August 3, 2020

Malisyosong ulat?

Samantala, nagsalita na rin si Ludovica hinggil sa kontrobersiya, habang binabaliktad naman ang mga media na nag-ulat nito.

"Bilang paglilinaw, walang polisiyang ganito ang lokal na Pamahalaang Lungsod Quezon," sabi ng opisyal sa Facebook.

"Aking personal Facebook post lamang ang pinagbatayan ng Rappler ng malisyosong impormasyon na ito upang palabasin na ito ay pormal na kautusan mula sa pamahalaang lungsod."

Posted by Rannie Ludovica on Monday, August 3, 2020

Sinabi niya 'yan kahit na walang binabanggit sa mga lumabas na artikulo na utos ito ng QC LGU.

Dagdag niya pa, dismayado lang siya sa pagbalik ng MECQ mula sa dati nang maluwag na general commuynity quarantine. Aniya, uminit lang ang uloi niya dahil sa pagtaas ng COVID-19 cases dulot ng "kawalan ng disiplina ng karamihan."

Basahin: Gov't said Filipinos are 'pasaway' and violate quarantine, but data show otherwise

"Bilang kami ay bente kwatro oras na nagserserbisyo, tanging pagsunod sa health protocols at quarantine guidelines lamang ang paraan upang masugpo ang pandemyang ito," kanyang panapos. — may mga ulat mula kay The STAR/Alexis Romero at News5

 

Disclosure: Si Quezon City Mayor Joy Belmonte ay shareholder ng Philstar Global Corp., na nagpapatakbo ng digital news outlet Pilipino Star Ngayon. Ang artikulong ito ay nilathala batay sa editorial guidelines.

Show comments