Mga korte sa Metro Manila, sarado ng 2 linggo
MANILA, Philippines — Bago pa man ang deklarasyon ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila, nagpalabas na ng utos si Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta na pansamantalang isara ang mga korte sa Kamaynilaan sa loob ng dalawang linggo.
Sa Administrative Circular na pinirmahan ni Peralta nitong Linggo, ipinag-utos na isara ang mga korte mula Agosto 3 hanggang Agosto 14. Bukod sa mga korte sa Metro Manila, sakop din ng kautusan ang mga korte na nasa ilalim ng ECQ at ng MECQ.
Sa kabila nito, kailangan pa ring maging bukas ang mga korte sa ibang transaksyon sa pamamagitan ng kanilang hotline numbers, e-mails at sa kanilang Facebook accounts.
Isasagawa naman ang mga session ng en banc at ng tatlong dibisyon nila sa pamamagitan ng videoconferencing.
Pinaalalahanan naman ang Court of Appeals, Sandiganbayan at Court of Tax Appeales na patuloy na tumanggap ng mga petisyon at mga pleadings sa pamamagitan ng internet. Suspendido naman ang ‘night courts’ at Saturday courts hanggang Agosto 14.
Para sa mga korte na awtorisado na duminig ng mga kaso sa pamamagitan ng videoconferencing ay maaaring ipagpatuloy ito sa mga kasong kriminal at sibil sa pamamagitan ng ‘joint motion’ ng magkabilang partido o dahil sa utos ng korte kahit walang permiso buhat sa Office of the Court Administrator.
- Latest