QC official 'shoot-to-kill' ang utos vs MECQ violators; city memo walang ganoong parusa
MANILA, Philippines — Isang araw bago ang mas mahigpit na modified enhanced community quarantine (MECQ), nagbanta ng karahasan ang isang opisyal ng Lungsod ng Quezon laban sa mga magtatangkang lumabag sa lockdown measures.
Ito ang pahayag na pinakawalan ni Quezon City Task Force Disiplina head Rannie Ludovica sa isang public Facebook post, ika-3 ng Agosto, bagay na burado na sa ngayon.
"Mula bukas shoot to kill na ang lalabag sa MECQ," sabi ni Ludovica, Lunes.
#InvestigateLudovica! NO TO MILITARIZED RESPONSES TO COVID-19! @QCGov
— Akbayan! Youth - Loyola (@AkbayanLoyola) August 3, 2020
We are calling on the QC Government to investigate QC Task Force Disiplina Head, Rannie Ludovica for his "shoot to kill" policy threat.
THIS IS UNACCEPTABLE! pic.twitter.com/Wuj8ztCRdg
Sa isa pang paskil kahapon, sinabi ni Ludovica na "dapat patayin" ang ilang iresponsableng residente sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic. Ang caption ay nakalakip sa video ng mga nagsasabong.
"PAANO DI DADAMI COVID ,TINGNAN MO MGA IREEPONSABLENG (sic) TAGA EVERLASTING BGRY HOLY SPIIRT BOUNDARY COMMONWEALTH..DAPAT SA INYO PA.......T YIN," dagdag pa ni Ludovica.
Bago maging miyembro ng nasabing task force, naging konsehal ang naturang opisyal sa District 2 ng Lungsod ng Quezon at miyembro ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP) — na partido rin ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Tila swak naman ang tono ng mga ipinaskil ni Ludovica sa mga nagdaang pahayag ni Duterte, kanyang kapartido, nang utusan niya ang mga sundalong barilin ang mga ang mga nagrereklamo tungkol sa pamamahagi ng pagkain sa gitna ng lockdown.
"Gulo o barilan o patayan, I will not hesitate my soldiers to shoot you. I will not hesitate to order the police to arrest and detain you," ani Duterte.
Kinukuha pa naman ng PSN ang pahayag ni QC Mayor Joy Belmonte hinggil sa mga kontrobersyal na pahayag ni Ludovica, ngunit hindi pa tumutugon ang tanggapan ng alkalde.
Hindi sang-ayon sa MECQ guidelines ng QC
Gayunpaman, walang nakalagay na "shoot-to-kill" order ang Quezon City local government sa inilabas nilang localized MECQ guidelines noong ika-15 ng Mayo.
Sa nasabing memorandum na pinirmahan ni Belmonte, kakasuhan lang ang mga magkakaroon ng pahglabag sa MECQ sa Quezon City — hindi papatayin.
"Persons that violate these guidelines may be charged under (i) Sec. 9 of Republic Act No. 11332, which penalizes non-cooperation of persons or entities affected by a health event of public concern; and/or (ii) Article 151 of the Revised Penal Code (Resistance and Disobedience to a Person in Authority)."
Narito ang localized guidelines sa pagpapatupad ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa lungsod Quezon...
Posted by Quezon City Government on Friday, May 15, 2020
Sa ilalim ng RA 11332, hindi "pinapatay" ang mga nagva-violate kung hindi pinagmumulta nang hindi hihigit sa P50,000, at/o ikinukulong nang hindi hihigit sa anim na buwan.
Sa ilalim ng Article 151 ng Revised Penal Code, hindi "pinapatay" ang mga lumalabag ngunit pinagmumulta ng halagang hindi lalampas sa P100,000 at ikinukulong alinsunod sa itinakda ng parusang "arresto mayor."
Wala sa patakarang lungsod sa 'warrantless' arrest
Naglabas si Belmonte ng guidelines para sa warrantless arrest para sa di pagtupad ng alituntunin ng community quarantine, ngunit wala doon ang sinasabi ni Ludovica na "shoot to kill", isang bagay na hindi naman polisiya ng lungsod o ng bayang Pilipinas.
Napakaloob sa memorandum ni Belmonte ang mga alituntunin sa limited gatherings at social distancing, pati ang pagsusuot ng face mask sa loob ng bahay at iba pang health protocols na ipinapatupad ng lungsod.
Sa ilalim ng guidelines, maaring arestuhin ng isang "peace officer" o di kaya ng isang indibidwal ang mga sumuway, sumusuway o susuway pa lamang sa mga health protocol at dalhin ito sa pinakamalapit na himpilan ng pulis.
"I felt that there was a need for us to issue guidelines for law enforcers, primarily with regards to the proper procedures that have to be undertaken when apprehending an individual for violating an ordinance," ani Belmonte noong Hulyo.
Isa sa mga insidente na nag-udyok sa alkalde na maglabas ng guidelines ay ang pambubugbog ng ilang miyembro ng Task Force Disiplina sa isang fish vendor noong Abril. Tinanggal na sa serbisyo ang kawani ng task force na sangkot sa pambubugbog, ayon sa Quezon City government noong Hunyo.
--
Disclosure: Si Quezon City Mayor Joy Belmonte ay shareholder ng Philstar Global Corp., na nagpapatakbo ng digital news outlet Pilipino Star Ngayon. Ang artikulong ito ay nilathala batay sa editorial guidelines.
- Latest