‘Jump-off sites’ ilalagay-DILG
Para LSIs ‘di magsiksikan
MANILA, Philippines — Plano ng pamahalaan na maglagay ng mga ‘jump-off sites’ at paghiwa-hiwalayin na lang ang mga locally stranded individuals (LSIs) kada rehiyon upang maiwasan na ang pagkukumpulan ng mga ito sa iisang lugar.
Ang plano ay inihayag ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año matapos na matipon ang may 6,000 LSIs sa Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila kamakailan kaya’t hindi na naipatupad pa ang social distancing, na isa sa mga pamamaraan na ipinaiiral ngayon ng pamahalaan para maiwasan ang hawahan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
“Ang pinaplano naman ng ‘Hatid Tulong’ program sa susunod ay ano na lang by region at iba’t-ibang tinatawag na “jumping off site”para hindi sila mag-ipon ng ganito karami,” ayon kay Año, sa panayam sa radyo.
“Yung mga susunod na ganitong programa, dapat iba-iba ‘yung venue ng bawat regions para hindi magsisiksikan. Kung limang regions ang pupuntahan, limang sites ang ipre-prepare natin para hindi magkukumpol-kumpol,” dagdag pa ng kalihim.
Una nang sinabi ng kalihim na napauwi na nila ang mahigit sa 4,000 LSIs sa kani-kanilang lalawigan, sa ilalim ng ‘Hatid Tulong’ program ng pamahalaan.
Sa pagtaya ng kalihim nasa humigit kumulang pa sa 2,000 LSIs pa ang nananatili pa rin ngayon sa sports complex at target aniya nila na mapauwi na rin ang mga ito sa kanilang mga probinsiya hanggang ngayong Huwebes, Hulyo 30.
- Latest