Pagbuhay sa death penalty, suportado ng PDEA
Sa big time drug traffickers lamang
MANILA, Philippines — Suportado ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Wilkins Villanueva ang panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na buhayin ang death penalty sa pamamagitan ng lethal injection para sa mga drug-related crimes sa bansa.
Gayunman, paglilinaw ni Villanueva, dapat itong ipatupad para lamang sa mga ‘big time drug traffickers’ at hindi sa mga street-level drug pushers.
Matatandaang sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes, nanawagan ang Pangulo sa Kongreso na ipasa na ang batas para sa pagbabalik ng parusang kamatayan para sa mga krimeng may kinalaman sa ilegal na droga.
“Execution by lethal injection is for big time drug traffickers, and not for the street-level pushers. I strongly suggest that seized drugs weighing one kilogram or more should be the threshold amount,” ayon kay Villanueva, sa isang pahayag.
Naniniwala rin si Villanueva na ang kawalan nang ipinatutupad na capital punishment sa bansa ang dahilan kung bakit naipagpapatuloy pa rin ng mga nakabilanggong drug suspects ang kanilang illegal drug activities.
Sa katunayan aniya, may mga drug transactions na silang nasabat na ang sangkot ay mga convicted na high-profile inmates kahit pa nasa loob na ng national penitentiaries ang mga ito.
- Latest