Mag-asawa, anak sugatan sa bundol ng fire truck
MANILA, Philippines — Malubhang nasugatan ang isang mag-asawa, kanilang anak at isa pang pasahero nang mabundol ang sinasakyan nilang kotse ng isang rumaragasang trak ng bumbero kamakalawa ng gabi sa Sampaloc, Maynila.
Pawang isinugod sa Chinese General Hospital ang mga biktimang sina Dionisio Calahatian, 55; misis niyang si Ma. Luzon Calahatian, 54 at anak na si Harlyn Calahatian, 23, at si Mylene Anzano Moris, 23.
Kusang-loob namang sumuko sa mga pulis ang driver ng Nissan Condor fire truck na si Argelle Evans Cunanan.
Naganap ang aksidente dakong alas-9 ng gabi sa kanto ng M. Dela Fuente at Dapitan Sts. sa Sampaloc District.
Nabatid na sakay ang pamilya Calahatian at si Moris ng isang Kia Soluto (XOG 935) na minamaneho ni Dionisio at habang binabagtas ang M. dela Fuente Street sa panulukan ng Dapitan Street, dito nabundol ang kaliwang bahagi ng kanilang sasakyan ng fire truck na minamaneho ni Cunanan.
Nakaladkad pa ng ilang metro ang kotse bago huminto at nagresulta ng pagkakayupi ng kaliwang bahagi ng behikulo habang yupi din ang bahagi ng trak.
Matapos ang medico legal examination, dinala ng mga pulis si Cunanan sa istasyon kasunod ng pagsasampa ng kasong Multiple Physical Injuries at Damage to Property sa Manila City Prosecutor’s Office.
- Latest