Operating hours ng LRT-2 paiiksiin

Batay sa inisyung advisory ng LRTA, nabatid na aabutin ng isang linggo ang naturang pagpapa-ikli sa oras ng biyahe ng mga tren o mula Hulyo 27, Lunes, at magtatagal hanggang sa Agosto 2, Linggo.
Boy Santos

MANILA, Philippines — Magpapatupad ang pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ng shortened operating hours sa mga tren ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) sa susunod na linggo.

Batay sa inisyung advisory ng LRTA, nabatid na aabutin ng isang linggo ang naturang pagpapa-ikli sa oras ng biyahe ng mga tren o mula Hulyo 27, Lunes, at magtatagal hanggang sa Agosto 2, Linggo.

Ayon sa LRTA, sa mga nasabing petsa, ang unang biyahe ng mga tren mula sa Araneta Center-Cubao Station sa Quezon City at mula sa Recto Station sa Maynila ay aalis ng 5:00AM habang ang huling biyahe naman nito ay pansamantalang paiikliin at gagawin na lamang munang hanggang alas-7:30 ng gabi.

Anang LRTA, layunin nito na bigyang-daan ang instalasyon ng bagong power cables sa pagitan ng Pureza at Legarda Stations.

Inaasahan namang magbabalik ang normal train schedule ng LRT-2 sa Agosto 3, 2020, Lunes.

Show comments