Abo ni Jaybee Sebastian, binalik sa BuCor

Ayon sa staff ng Panteon De Dasmarinas crematory, alas-5:00 ng hapon kamakalawa nang i-claim ng kinatawan ng BuCor ang abo ni Sebastian dahil hindi naman maaaring magtagal doon ang abo matapos maisalang sa crematorium.
STAR/File

‘Di na-claim ng pamilya

MANILA, Philippines — Ibinalik sa kustodiya ng Bureau of Corrections (BuCor) ang abo ng high-profile inmate na si Jaybee Nino Manicad Sebastian matapos walang mag-claim na pamilya nito mula sa pinagdalhang crematory  sa Cavite City.

Ayon sa staff  ng Panteon De Dasmarinas crematory, alas-5:00 ng hapon kamakalawa nang i-claim ng kinatawan ng BuCor ang abo ni Sebastian dahil hindi naman maaaring magtagal doon ang abo matapos maisalang sa crematorium.

May nagtangkang mag-claim  ng abo ni Sebastian subalit hindi pinahintulutan ng crematory dahil hindi umano pumasa sa kategorya na malapit na kamag-anak lamang ang pinapayagang kumuha sa abo.

Sa dahilang ito kaya umano ipinagkatiwalang ibigay ang abo ni Sebastian sa BuCor na siya namang nagdala at nagbayad ng cremation fee na P15,000.

Batay sa death certificate ni Sebastian,sinasabing COVID -19 ang dahilan nang pagakamatay nito at  ang ‘nea­rest kin on inmate’s file’ niya ay ang asawang si Roxanne Sebastian, na may address sa Herbosa St., Tondo, Maynila.

Batay pa sa rekord ng crematory, nasa 30 bangkay na pawang may rekord na namatay sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) kung saan pinakahuli si Sebastian, ang na-cremate doon mula noong buwan ng Mayo 2020.

Nabatid din sa nasabing crematory na noong hindi pa nagkakaroon ng pandemya ng COVID-19 ay hindi sa kanila ibinibigay ang serbisyo para sa mga namamatay sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP) kungdi dinadala umano sa Maynila.

Samantala, sa kumakalat na ‘unconfirmed’ info, may iba pang high-profile inmates din ang na-cremate sa nasabing crematory habang ang iba ay sa Manila North Cemetery nai-cremate.

Hanggang kahapon ay wala pang inilalabas na mga pangalan ng high profile inmates na namatay sa COVID-19 ang BuCor sa giit ni Director-General Gerald Bantag na may sinusunod silang Data Privacy Act.

 

Show comments