MANILA, Philippines — Nagsagawa ng ‘‘silent protest’’ ang mga nurses ng San Lazaro Hospital sa labas ng COVID-19 referral facility dahil umano sa hindi maayos na kundisyon sa kanilang trabaho.
Inilatag ng mga nurses ang kanilang mga sapatos sa harap ng gusali ng SLH na itinutu-ring na isang uri ng kanilang protesta at paghingi ng tulong.
Noong Hulyo 10, naglabas ang mga nurse ng San Lazaro na miyembro ng Filipino Nurses United ng pahayag ukol sa kakulangan ng isolation beds, kalahati lang ng mga staff na nahawa ng virus ang naka-confine sa pagamutan habang ang iba ay naka-home quarantine, kakulangan ng staff ng pagamutan, medical supplies, limitadong transportasyon, hindi makatarungang suweldo at labis na mental at emotional na pagod.
Inireklamo rin nila na isang N95 mask lang ang pinagagamit sa kanila sa buong shift at muling pinagagamit habang ang ibang doktor ay bumibili ng sarili nilang PPE. Hindi rin umano naipatupad ang dagdag na suweldo sa kanila ng kautusan ng Supreme Court.
Sinagot na rin ang mga alegasyon ng pamunuan ng San Lazaro Hospital at itinanggi ang mga ito habang nakipag-ugnayan na rin sa kanila ang DOH.
“Nakausap na namin ang pamunuan ng San Lazaro nung isang araw, kinausap na sila ni Secretary Francisco Duque at araw-araw naman tinatawagan natin sila para i-check natin kung ano ang progress nitong mapag-uusapan din nila with their group of nurses,” ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Hinikayat naman ni Vergeire ang mga nagpoprotestang mga nurses na buksan ang kanilang komunikasyon para mas maayos na maresolba ang kanilang mga isyu.