Traditional jeep, arangkada na sa Metro Manila
MANILA, Philippines — Balik-pasada na ngayong Biyernes ang mga traditional jeepneys sa Metro Manila.
Gayunman, may 49 na ruta pa lamang ng traditional jeep ang aarangkada mula ngayong araw na ito at nasa 50 porsiyento lamang ang isasakay nitong pasahero.
Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra III, unang bugso pa lamang ang 6,002 units na papayagang bumiyahe ngayong Biyernes habang magsasagawa sila ng ongoing assessment at travel demand study hinggil dito.
Sinabi ni Delgra na sa mga susunod na linggo ay madaragdagan ang ruta hindi lamang sa Metro Manila kundi sa buong bansa.
Niliwanag ni Delgra na binusisi nang husto ang piniling 49 ruta ng jeep sa pamamagitan ng pangangailangan dito at pagtugon sa mga rutang hindi pa dinadaanan ng ibang sasakyan gaya ng UV Express.
“Because these are existing routes before, at nakita rin po natin na hindi po tinamaan ng mga ruta ng bus, ng mga UV Express, modern jeepney, nakita ng ating technical team na pwede itong mabuksan para sa ating traditional jeepney,” paliwanag pa ni Delgra.
Pinapayuhan din ni Delgra ang commuters na magbayad muna ng pasahe direkta sa tsuper bago sumakay upang maiwasan ang pagpapasahan ng pamasahe, para na rin makaiwas sa hawaan ng COVID-19.
Sinabi rin nito na papayagan muna ang pagbiyahe ng mga jeep kahit wala pang nada-download ng “QR codes,” na ipapaskil sa mga sasakyan sa darating na Lunes dahil hindi pa gumagana ang website ng LTFRB na ibinigay ng gobyerno para dito.
Samantala, kinondena naman ng grupong Piston ang pagpayag lamang ng LTFRB sa 6,002 NCR jeeps na pumasada mula ngayong biyernes na sobrang layo sa kabuuang 74,000 bilang ng mga traditional jeeps sa NCR.
Ayon sa Piston, dapat ibinase ng LTFRB sa pangangailangan ng bawat lugar ang pagkakaloob ng ruta ng mga traditional jeep dahil sa dami ng commuters na dapat serbisyuhan araw-araw.
Hindi anya kaya ng maliit na bilang lamang ng mga pampasaherong sasakyan ang sobrang daming commuters na dapat serbisyuhan ng PUVs sa NCR.
Related video:
- Latest