Sekyung nagpapagamot nang-hostage ng doktor sa East Ave. Medical Center
MANILA, Philippines — Nambihag ng doktor ang isang pasyente sa kilalang pagamutan sa Lungsod ng Quezon, pagkukumpirma ng Philippine National Police (PNP), Miyerkules nang umaga.
Arestado ang 51-anyos na suspek na si Hilarion Achondo, isang security guard, matapos tutukan ng hiringgilya sa leeg ang doktor sa emergency room ng East Avenue Medical Center kaninang umaga.
Sa panayam ng dzBB, sinabi ni Police Major Elmer Monsalve, hepe ng Quezon City Police District-Criminal Investigation Unit (QCPD-CIDG), na madaling araw nang magtungo sa ospital si Achondo para magpagamot kaugnay ng disgrasya sa motorsiklo.
"Habang naghihintay siya na i-treat siya, bigla na lang niya itong hinablot itong biktima," paliwanag ni Monsalve.
"Tinutukan niya ng syringe, 'yung pang-injection, sa leeg."
Ayon sa hepe, nagkataon na nasa lugar ang ilang ahente ng CIDG sa dahilang may iniimbestigahan silang ibang inidente na dinala sa ospital.
Nagkaroon pa aniya nang lima hanggang 10 minutong negosasyon sa pagitan nina Police Staff Sergeant Bienvenido Ribaya III at Achondo bago tuluyang pakawalan ang biktima.
Matapos nito, dinakip agad ng otoridad ang pinararatangan.
"'Yung paglapit ko sinabi ko 'di kami kalaban, nandoon kami para tulungan po siya. Nagtuloy-tuloy lang po 'yung pag-uusap namin hanggang sa napakalma po siya," ayon kay Ribaya sa ulat ng GMA News.
Hindi naman nasaktan ang doktor sa mga nangyari habang nagpapatuloy naman ang imbestigasyon kaugnay ng krimen.
Giit ni Monsalve, hindi totoong hindi inaasikaso ng healthcare professional si Achondo nang biglaang mag-amok.
"Nagkataon na maraming pasyente. Actually, bago nga siya i-turn over sa amin, talagang ginamot siya," saad ni Monsalve.
"Inaasikaso talaga... Walang hindi inaasikaso sa ospital noon. Kaya lang, sa dami naman noon, may kanya-kanyang turn kayo. Kaya nga kayo nakapila."
Haharap sa reklamong "grave coercion," "alarm and scandal" at "grave threat" si Achondo, ayon kay Ribaya.
- Latest