MANILA, Philippines — Nasa kabuuang 246,102 na mga mag-aaral sa mga pampublikong elementarya at high school ang nakapagpa-enroll na sa lungsod ng Maynila.
Batay sa datos ng Division of City School (DCS)-Manila, 154,004 sa kanila ang nasa elementarya; 81,588 ang nasa Junior High School at; 10,510 naman ang nasa Senior High School.
Nakapagtala rin ang DCS-Manila ng 4,659 na estudyante na lumipat sa mga pampublikong paaralan mula sa mga pribadong eskwelahan.
Ayon kay DCS-Manila Information Officer Aaron Tolentino, inaasahan nila na maaabot nila ang target enrollees na 268,972 hanggang ngayong Hunyo 30, ang huling araw ng enrollment.
“Karaniwan na ang pagdagsa ng mga ‘last-minute enrollees’ at nais natin na tanggapin lahat ng mga batang nais na mag-aral kung kaya’t naghahanda rin ang ating mga guro para sa huling dalawang araw ng enrollment,” ani Tolentino.
Samantala, pinaalalahanan ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) ang mga pumasa sa pagsusulit na kailangan nang magsumite ng mga requirements sa pamamagitan ng online.
Ginawa umanong online ito para hindi na mapilitan ang mga estudyante na magtungo sa unibersidad at para hindi malantad sa virus sa labas ng kanilang tahanan.