Konstruksyon ng firing range sa loob ng subdivision, pinahinto
MANILA, Philippines — Upang maiwasan ang mga kontrobersya na pumapalibot sa gagawing firing range sa loob ng isang subdivision sa Parañaque City, nagpasya ang mga opisyales ng Multinational Village Homeowners Association Inc. (MVHAI) na i-convert lamang ito sa lawn tennis court at isang badminton court.
Ayon kay Arthur Damot, administrator ng MVHAI, wala na silang balak ipagawa and firing range kahit karamihan sa mga nakatira sa subdivision ay mga gun enthusiasts at pabor na ituloy ang konstruksyon sa lalong madaling panahon.
Naging kontrobersyal ang pagpapatayo ng firing range dahil libu-libo ang mga naninirahang Chinese nationals na empleyado ng Philippines Offshore Gaming Operators (POGO) sa loob ng subdivision at baka abusuhin daw ito ng mga banyaga at baka dayuhin ng ibang tao na hindi taga-kanila.
“Masyado lang pinapalaki ng ibang residente ang isyu na kontra sa kasalukuyang liderato ng home owners association ng dahil na rin sa politika. Pina-imbestigahan pa nila sa Senado ang napaka-liit na problema na wala rin namang nangyari na resulta,” paliwanang ni Damot.
Ani Damot, lahat kasi ng amenities ng isang subdivision ay kumpleto na sa loob ng Multinational Village Leisure Park and Resort tulad ng basketball court, world class swimming pool, conference building, covered gymnasium aircon, event center, at children’s park kaya naisip nila na magpatayo ng firing range.
Pero sa ngayon ay “hold in abeyance” muna ang construction ng firing range at malapit na matapos ang pagpapagawa ng tennis and badminton courts katabi ng building ng firing range, dagdag ni Damot.
- Latest