MANILA, Philippines — Papayagan na rin ng pamahalaan na bumiyahe ang mga traditional jeepneys na ‘roadworthy’ pa, sa darating na Huwebes O Biyernes.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary Goddes Libiran, posibleng sa linggong ito ay makabalik na rin sa mga lansangan ang mga traditional jeepneys.
Aniya, mismong ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang nagbigay ng commitment na ito sa DOTr.
“Ang commitment po sa amin ng LTFRB ay by Thursday or Friday this week ay papayagan na pong makabiyahe ang mga roadworthy na traditional jeepneys natin,” pahayag ni Libiran.
Kasabay nito, ipinaliwanag din ni Libiran na nahuling naitakda ang pagbabalik operasyon ng mga traditional jeepneys, kumpara sa iba pang uri ng transportasyon upang maobserbahan ang usapin hinggil sa load capacity.
Ginawa rin aniyang prayoridad ang pagbabalik operasyon ng mga public utility vehicles na may mas malaking kapasidad, sa unti-unting pagbabalik ng mass public transportation.
Matatandaang una nang sinuspinde ng pamahalaan ang mass public transportation noong Marso dahil sa banta ng coronavirus disease 2019.