MANILA, Philippines — Sa gitna pa rin ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), wala munang magaganap na nakaugaliang ‘basaan’ o ‘Wattah, Wattah Festival’ sa lungsod ng San Juan, kasabay nang pagdiriwang ng kapistahan ni San Juan Bautista ngayong araw, Hunyo 24.
Sinabi ni San Juan Mayor Francis Zamora na nais muna nilang magkaroon na lamang ng isang taimtim na pagdiriwang ng kapistahan dahil na rin nananatili pa ang banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Dahil dito, sa halip na ‘basaan’ ay ‘basbasan’ muna ang magaganap sa pista, na may temang : “Basbasan sa Makabagong San Juan.”
Kaugnay nito, inisyu rin ng alkalde ang Executive Order No. 42, Series of 2020, na nagbabawal sa dating nakaugalian na sabuyan ng tubig upang maiwasan ang panganib ng kontaminasyon dahil sa tubig at maiwasan ang posibleng pagkalat ng virus.
Ayon kay Zamora, batid niyang isa ang naturang selebrasyon sa pinakaaabangan ng mga residente ng San Juan ngunit kinakailangan aniya muna itong ipagpaliban ngayong taon para na rin sa kaligtasan ng lahat.
“Every year, our constituents look forward to a festive celebration. However, precautionary measures against the spread of the virus in the city must take precedence this 2020,” paliwanag pa niya.
Nabatid na magiging highlight na lamang ng pista ngayong araw ang pagparada ng imahe ni San Juan Bautista sa mga lansangan ng lungsod, na may kasamang mga pari, na siyang magbabasbas ng holy water sa mga residente.
Nanawagan naman ang alkalde sa mga residente na mag-abang lamang sa harapan ng kanilang mga tahanan para mabasbasan, obserbahan ang physical distancing, at magsuot ng face masks sa panahon ng pagdiriwang.