MANILA, Philippines — Tinutugis ng mga awtoridad ang isang grupo ng kalalakihan na nangursunada at nanaksak ng construction worker habang nakatambay sa kalye na sakop ng Barangay 732, Zone 80 sa kabila ng ipinatutupad na curfew sa Malate, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Ginagamot sa Sta. Ana Hospital ang biktimang si Rolly Jubilag y Quirubin, 21-anyos at residente ng Gonzalo St., Malate, Maynila dahil sa tinamong hiwa sa ulo ng bote at saksak sa dibdib.
Pangunahing suspek ang isang Billy Velasco y Garon, 24, ng no. 2182 Munoz St., Malate.
Sa ulat ng Arellano Police Community Precinct ng Manila Police Distrcit-Statio 9, dakong alas 4:00 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa Morales St., Malate.
Ipinarating ng ina ng biktima sa nasabing PCP ang insidente matapos niyang dalhin sa ospital ang anak.
Sa imbestigasyon, nag-iinuman sa loob ng kanilang bahay ang biktima at mga kaanak nang magprisinta na siya na ang bibili ng yelo.
Nang patungo sa tindahan, hinarang siya ng suspek at mga kasamahan nitong tumatambay sa eskinita at pinalo siya ng bote sa ulo at sinaksak ng patalim sa dibdib bago nagsitakas.
Nakarinig ng ingay at paghingi ng saklolo ang mga kaanak ng biktima at agad ipinaalam sa ina nito na nagtulung-tulong na isugod siya sa pagamutan.
Nananatiling under observation pa sa Sta. Ana Hospital ang biktima.
Inaalam din kung bakit sa dis-oras na nakataas pa ang curfew ay pinapayagan ng barangay ang pagtambay ng mga residente sa labas ng kanilang bahay.