MANILA, Philippines — Arestado ang isang 29-anyos na vendor na pagala-gala sa gitna ng curfew hours nang makuhanan ng baril sa Baseco Compound, kahapon ng madaling araw.
Paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions Act), Article 178 ng Revised Penal Code (Using Fictitious Name), City Ordinances 8647 (Curfew) at 8627 (Not wearing Facemask) ang kinakaharap ng suspek na kinilalang si Kelvie Panansang y Kamid, residente ng Block 6 Oldsite, Baseco Compound, Port Area, Maynila .
Sa ulat ng Baseco Police Community Precinct (PCP) ng Manila Police District-Station 5, dakong alas 12:01 ng madaling araw ng Hunyo 20 nang sitahin at arestuhin ang suspek na palakad-lakad ng walang face mask sa Block 6, Old Site, Baseco ng mga tauhan ng Baseco PCP na nagsasagawa ng anti-criminality operations, kasama ang mga opisyal ng Barangay 649.
Tinangka pang tumakbo patakas ng suspek na nauwi sa maikling habulan na sa tulong din ng brgy. volunteers at guardians ay agad nakorner.
Nadiskubreng may itinatagong baril sa harapan ng kanyang pantalon nang kapkapan. Bigo siyang magpakita ng anumang papeles sa dalang baril.
Walang serial number ang Black Widow firearm na markado ng “KKP” at kargado ng 5 bala ng 9mm.
Nang isailalim sa medical exam na SOP sa naaarestong indibidwal bago ikulong, nagbigay siya ng pangalang Jobert Kadam y Tipoz.
Sa presinto habang iniimbestigahan, natuklasan ang tunay na pangalan nang ibunyag ng kanyang misis na si Alaysa Salik y Mamalak o Alaysa Panansang y Kido, na nakakulong din doon sa kasong paglabag sa section 26 B (conspiracy) in relation to Article 5 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.