Baranggay chairman, inutas sa outpost
MANILA, Philippines — Patay ang isang barangay chairman sa lungsod ng Maynila makaraang pagbabarilin ng mga hindi nakilalang salarin sa loob ng brgy. outpost sa Quiapo, Maynila kamakalawa ng gabi.
Nagtamo ng maraming tama ng bala sa katawan ang biktimang si Abubacar Sharief, 33, Chairman ng Brgy. 384 Zone 39 at nakatira sa Globo De Oro St., Quiapo, Manila
Sugatan naman makaraang tamaan ng ligaw na bala sa hita ang 38-anyos na si Malik Abdulah, barangay kagawad at nakatira rin sa naturang lugar.
Sa inisyal na ulat ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-11 ng gabi nang maganap ang pamamaril sa loob ng barangay outpost sa Globo de Oro Street sa Quiapo.
Nag-uusap ang biktima at mga kasamahang opisyal ng barangay nang dumating ang mga salarin na armado ng mahahabang armas na agad na sumigaw ng “Dapa!” Dito pinagbabaril ng mga salarin si Sharief saka mabilis na tumakas.
Agad na isinugod ng mga kasamahan ang mga biktima sa UST Hospital ngunit hindi na umabot ng buhay si Sharief. Narekober ng mga rumespondeng pulis sa lugar ng krimen ang nasa 36 na cartridge buhat sa M16 assault rifle.
Blangko pa ang pulisya sa motibo at pagkakakilanlan sa mga salarin makaraang wala sa mga residente at bystanders sa lugar ang makapagbigay ng impormasyon sa mga imbestigador na hinihinalang dahil sa takot na madamay sa insidente.
Nabatid na napaslang din ang ama ni Sharief na si Zainal na dating Barangay Chairman sa lugar noong 2012.
Ipinag-utos na ni MPD Director PBGen Rolando Miranda ang masusing imbestigasyon sa kaso. Tinututukan ang anggulo sa politika at negosyo sa pamamaslang.
- Latest