MANILA, Philippines — Ipinagbabawal na ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang pagpapalipad ng saranggola dahil umano sa nagiging sanhi ng dumaraming kaso ng sunog at iba pang uri ng aksidente.
“Sa kadahilanang napakarami naming natatanggap na report at reklamo tungkol sa mga problemang idinudulot nang pagsasaranggola, minabuti na lang naming na magbigay ng direktiba na ipagbawal na ang pagpapalipad ng saranggola sa kalakhang Maynila,” saad sa memorandum ng City Government.
Ang memorandum ay inilabas at pirmado ni Manila Barangay Bureau Officer in Charge Director Romeo Bagay para ipatupad ng lahat ng barangay officials.
Ipinaliwanag sa memo na madalas na nagiging sanhi ng sunog ang pagpulupot ng pisi ng saranggola sa mga kawad ng kuryente. Sa ganito ring pagkakataon, maaari ring makuryente ang nagpapalipad ng saranggola.
Nagdudulot din ng aksidente ang saranggola dahil kadalasang pumupulupot ang pisi nito sa mga nakamotor, bisikleta o maging sa mga naglalakad lamang.
Bukod dito, dagdag kalat din anila ang saranggola na naiiwang nakasabit sa mga poste o mga bahay na hindi magandang tanawin sa lungsod.