1.5 toneladang kargamento sinunog ng BOC
MANILA, Philippines — Nasa 1.5 toneladang ilegal na kargamento kabilang ang 400 kilo ng mga beauty products ang sinunog ng Bureau of Customs (BOC) dahil sa kawalan ng permit mula sa Food and Drugs Authority (FDA).
Kabilang sa mga produktong sinira ay mga pakete ng gamot, cosmetic na may brand ng Goree na ilegal umanong ipinasok sa bansa nang walang kaukulang mga permiso at clearances buhat sa FDA.
Kumilos ang BOC base sa FDA Advisory No. 2017-289 na nagsasaad na ang mga produkto ng Goree ay may taglay na nakalalasong kemikal na mercury na lagpas sa limitasyon at labis na nakakapinsala sa katawan ng tao.
Sinunog ang mga beauty products at iba pang kargamento gamit ang Thermal Decomposer (Pyrolysis) ng Integrated Waste Management Inc. (IWMI) sa Trece Martires, Cavite nitong nakalipas na linggo.
Ito na ang ikaapat na pagwasak ng BOC sa mga ilegal na kargamento sa panahon ng pandemya.
Sa kasalukuyan, nasa 17.1 tonelada na ng iba’t ibang kargamento kabilang ang dalawang toneladang gamot at meat products ang winasak ng ahensya.
- Latest