MANILA, Philippines — Nasa 385 pa ang mga stranded na pasahero sa Pasay City na pansamantalang nananatili sa Villamor Airbase Elementary School (VABES) at Philippine State College of Aeronautics (PHILSCA), ayon sa lokal na pamahalaan kahapon.
Kabilang din sa locally stranded individuals (LSIs) sa VABES at PHILSCA ang mga may nakalaan nang tiket ng Cebu Pacific at Philippine Airlines na inindorso ng Department of Transportation (DoTR).
Karamihan sa mga stranded ay papauwi sa Cotabato, Cagayan De Oro, Davao, Bacolod at General Santos.
Bukod sa Pasay LGU na nagsusuplay ng pagkain at iba pang essentials, maraming ahensya ng national government at civil groups ang tumutulong sa pangangailangan ng LSIs.
Umapela naman si Pasay Mayor Emi Calixto-Rubiano sa mga wala pang siguradong flight schedule na huwag munang umalis sa kanilang tinutuluyan upang hindi na mahirapan dahil posibleng hindi na ma-accomodate sa VABES at PHILSCA.