14 Residente nagpositibo sa COVID
MANILA, Philippines — Matapos na makapagtala ng 14 na positibo sa COVID-19, isinailalim sa limang araw na lockdown ni Navotas City Mayor Toby Tiangco ang kalye ng H. Monroy sa Brgy. Navotas West.
Ayon kay Tiangco, sa pinakahuling tala ng City Health Department sa 14 na nagpositibo, 10 diumano ang magkakapamilya na dumalo sa isang selebrasyon noong May 19.
Masusi na itong pinapaimbestigihan dahil nasa ilalim pa ng MECQ (Modified Enhanced Community Qua-rantine) ang Metro Manila kaya bawal pa ang anumang pagtitipon.
Nagsimula ang lockdown kahapon ng umaga na tatagal naman hanggang sa Lunes ng hatinggabi.
Paliwanag ni Tiangco, hangad ng mga patakarang pinaiiral na proteksyunan ang bawat isa. Ani Tiangco, sa pagsuway sa patakaran, nalalagay sa panganib ang buhay ng bawat isa.
Kamakailan lang, 13 magkakapamilya rin ang nagpositibo sa Brgy. Sipac, Brgy. NBBS Dagat-dagatan, at Brgy. NBBS Kaunlaran.